Tala-Arawan
October 4th, 2009
Narito Akong Muli

Inilimbag ni matalinghaga noong 10:09 PM ng October 4, 2009.

Matagal kong pinangambahan ang sandaling ito: isang bahagi ng oras, ng buong panahon, kung saan ako'y isinadlak sa isang kwartong mayroon lamang dalawang pinto. Sa isa'y nakapaskil ang iyong ngalan; sa kabila'y ang salitang "kaibigan".

Narito na naman ako.

Ang nakaraan: Kalagitnaan ng taon nang ako'y humarap sa isang suliranin na tanging ako lamang ang makalulutas. Walang tulong na magkakaroon ng saysay na manggagaling sa kung kanino man, sapagkat kung hindi ako ang sasagot, ito'y maari kong pagsisihan sa huli. Sa silid na ito kung saan may dalawang pinto, pinili ko ang pinto sa kanan. "Kaibigan." Yan ang sambit ko, at sa isang iglap ay biglang naglaho ang pintong may ngalan niya.

Kasalukuyan: Naririto akong muli. At ano ang pipiliin ko?

Maaaring sa tingin ng iba'y masyado pang maaga upang mamili para sa akin. Maaaring nagkakamali ako ngayon, ngunit sa ngayon, ang tanging nasa isip ko ay ang kinabukasan. Ngayo'y mas maingat na akong gagawa ng desisyon; ngayo'y susundin kong muli ang aking damdamin, tulad ng dati, ngunit ang pipiliin ko'y ang kabilang pinto na.

Ikaw.

At naglaho na ang kabilang pinto. Tapos na; at alam nila ito. Mahirap nang bumalik pa sa nakaraan kung saan ako'y kumalas, at hindi na rin iyon ang pipiliin ko.

Ngunit bakit ganito? Ni hindi mo man lang pinahahalagahan ang aking ginawa? Nagkamali na naman ba ako sa pagpili ngayon? Bakit sa iyong paningin ay hindi pa ako namili? Ginawa ko ito para sa iyo, ngunit ayaw mo itong yakapin. Marahil nga'y masyado ko silang pinahahalagahan; wag mo itong isipan ng mali, ngunit totoong pinahahalagahan ko sila. Subalit sa ngayon, mas mahalaga ka sa akin kaysa sa kanila. At alam kong ikagagalit nila ito, ngunit wala akong pakialam. Mahal ko sila, ngunit mas mahal kita.

Sana'y maintindihan mo ako. Ang tanging ninais ko lang naman noon ay ang maging bahagi tayo ng aking kinagisnang lipon; ngunit dahil hindi ito maaring mangyari, dala na rin ng napakaraming komplikasyon, pinipili kita. Sapagkat mahal kita, at ikaw ang nais kong makapiling habang buhay.

===

Narito na naman ako.

Kuro kuro?

« Newer · »